Nagpulong kagabi ang mga miyembro ng gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte at ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases o IATF upang talakayin ang mga hinaing ng medical community na muling isailalim sa enhanced community quarantine (ECQ) ang buong National Capital Region.
Ayon kay Presidential spokesperson Atty. Harry Roque, ipinatawag ni Executive Secretary Salvador Medialdea ang naturang pagpupulong.
Dumalo sa meeting na ito sina Budget Secretary Wendel Avisado, Trade Secretary Ramon Lopez, Health Secretary Francisco Duque III, Interior and Local Government Secretary Eduardo Año, National Defense Secretary Delfin Lorenzana, at si Sec. Roque.
Present din sina Senior Deputy Executive Secretary Michael Ong, Presidential assistant for Foreign Affairs Robert Borje, National Task Force Chief Implementer Carlito Galvez Jr., at sina “Anti-COVID czars” NTF deputy chief implementer Vince Dizon, at One Hospital Incident Command Chief Leopoldo Vega.
Dumating din sa pagpupulong si Senator Bong Go, na syang chairman ng Senate Committee on Health.
Anumang rekomendasyon ang mabubuo sa pagpupulong ay agad itong isusumite kay Pang. Rodrigo Duterte upang masusing mapag-aralan kung maari bang muling ipatupad ang ECQ sa buong NCR kasunod ng naging kahilingan ng mga medical fronliners.