Walang anumang kautusan ang Department of Health (DOH) sa mga ospital na itigil ang pagbibilang o itago ang tunay ng bilang ng nasasawi dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.
Ito ang binigyang diin ni Inter Agency Task Force Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles sa kanyang virtual press briefing.
Ayon kay Nograles, naglabas na ng pahayag ang DOH kung saan kanilang iginigiit na walang katulad na polisiya silang ipinalalabas sa mga ospital.
Gayunman, sinabi ni Nograles na sinasang-ayunan ng mga cabinet secretaries ang pagsasailalim sa cremation ng mga bangkay sa loob ng 12 oras matapos masawi ang pasyente.
Tiniyak naman ni Nograles na hinahanapan na ng solusyon ng pamahalaan ang usapin sa bayad na siyang nagiging dahilan ng pagkakaantala sa pagpapa-cremate ng mga bangkay.
Una nang inilabas ng news anchor na si Arnold Clavio ang umano’y tambak na mga nasasawi dahil sa COVID-19 sa isang ospital sa Metro Manila kung saan hindi na rin umano ito nasasama sa bilang.