Nagbigay na ng go signal ang Inter-Agency Task Force (IATF) para sa limited face-to-face class sa kolehiyo sa mga lugar na nasa alert level 1.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesman Kris Ablan na nagluwag na ng restrictions sa mga lugar na nasa alert level 1 kaya pinayagan ng IATF ang naging rekomendasyon ng Commission on Higher Education (CHED) na magsagawa na ng limited face-to-face classes na may 100% seating capacity sa classroom.
Ayon pa kay Ablan, bago tuluyang makapagbukas ng limited face-to-face class sa kolehiyo, may mga panuntunang dapat na sundin ang mga kolehiyo at kinakailangan din umano na fully vaccinated lamang ang papasok na guro, estudyante at staff sa mga kolehiyo o unibersidad.
Nabatid na sa kasalukuyan ay mayroon nang 40 na mga lugar sa bansa ang nasa ilalim ng alert level 1 kabilang na ang Metro Manila. – sa panulat ni Mara Valle