Naglabas ng ilang bagong pamantayan sa pagtatakda ng alert status sa sitwasyon sa COVID-19 sa bansa ang Inter-Agency Task Force (IATF).
Ayon kay acting presidential spokesman Martin Andanar, magiging epektibo ang bagong matrices na gagamitin sa pagdetermina ng bagong alert status sa Hulyo 1 hanggang Hulyo 15 ngayong taon.
Sa inilabas na desisyon ng IATF, ibabase na ang risk classification sa araw-araw na attack rate ng COVID-19 contamination, habang inalis na ang 2-week growth rate risk classification.
Kasabay nito ay magiging batayan din sa pagtatakda ng alert status ang total beds utilization rate sa pagdetermina ng health system capacity at cross tabulation ng nabanggit na dalawang pamantayan.
Patuloy naman na nakabantay ang Department of Health, mga eksperto at IATF sa sitwasyon bunsod ng nakikitang pagtaas ng kaso ng naturang virus sa ilang lugar sa Metro Manila at ilan pang lalawigan.