Nakatakdang magpulong muli sa Martes, Pebrero 18 ang inter-agency task force for the management of emerging infectious diseases (IATF).
Ito ay upang pag-usapan ang posibilidad ng pagpapatupad ng panibagong travel ban gayundin ang pag-alis naman ng ilang kasalukuyang umiiral na travel ban dahil sa banta ng coronavirus disease (COVID-19).
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, tatalakayin sa pulong ang mga lugar o bansang nakapagtala na ng local transmission ng nabanggit na sakit.
Dito aniya ibabatay ang kanilang gagawing hakbang na may kaugnayan sa pagpapatupad o pag-tanggal sa travel ban.
Magkakaroon ng risk assesment kinakailangan natin merong evidence base merong malinaw na batayan kung bakit natin ipapasok o tatanggalin sa listahan. Noong una inilagay na muna natin lahat yan, hindi pa naman tayo nakakasiguro pa sa mga hakbang na ginagawa sa ibang bansa patungkol sa kanilang pag-gwardya sa paglabas at pagpasok sa COVID-19. So, dahil hindi tayo nakakasiguro ipasa na muna natin madali naman magpulong ulit at kung may ebidensya,” ani Duque.
Sinabi ni Duque, sa ngayon tanging ang napagkasunduan pa lamang ng inter-agency task force ay ang pag-lift ng travel ban sa Taiwan.
Ito naman aniya ay matapos mapatunayang maayos na napapangasiwaan at makontrol ng Taiwan ang pagkalat ng covid 19 sa kanilang lugar.
Tulad ng Taiwan wala namang local transmission, ang baba ng bilang nakukuha nila at hinigpitan nila ang kanilang surveillance, ipinatawag nga nila yung mamamayan ng mainland China na makapasok na,” ani Duque. — panayam mula sa Todong Nationwide Talakayan.