Inaprubahan na ng pamahalaan ang kahilingan ng Professional Regulation Commission (PRC) na magdaos ng mga licensure examination for professionals sa paparating na Mayo at Hunyo.
Ito ang inihayag ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque sa isang briefing matapos na paboran ito ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF).
Paliwanag ni Roque, ang kailangan lang gawin ng mga lalahok sa naturang licensure examination ay mahigpit na pagsunod sa mga umiiral na health protocols kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Mababatid na sa website ng PRC, nakatakdang isagawa ang licensure examinations sa Mayo ng mga civil at chemical engineers, dentists at dental hygienists, nurses, at Certified Public Accountants.
Habang sa Hunyo, nakatakda naman ang examinations real estate appraisers, physical therapists at occupational therapists, at iba pang propesyon.