Kinakailangang magpatupad ng mga pagbabago sa kanilang mga ipinatutupad na ordinansa ang mga local government units o lgu’s hinggil sa pagsusuot ng face shields upang makasunod sa desisyon ng pamahalaan kaugnay sa patuloy na paglaban sa COVID-19 pandemic.
Ito ang binigyang-diin ni Inter-Agency Task Force Co-Chairperson Secretary Karlo Nograles, makaraang magpalabas ng memorandum si Pang. Rodrigo Duterte ukol sa paggamit ng face shields.
Pahayag ng kalihim, maliban sa sinabi ni Pang. Duterte na kinakailangan lamang na suotin ang faceshields sa mga ospital, mayroon pa aniyang naidagdag sa listahan ng mga lugar kungsaan mandatory ang pagsusuot ng face shield.
Nakasaad aniya sa inisyung memo ng punong ehekutibo ang kumpletong mga lugar na dapat gumamit ng face shield at ang mga area naman na hindi na mandatory ang pagsusuot nito.
Giit ni Nograles, mahalagang masunod ang inilabas na memo ng malakanyang at hindi maaring magpatupad ng mas mahigpit na polisiya ang mga lokal na pamahalaan upang matiyak na hindi magkakaroon ng kalituhan ang publiko.