Tinanggal na ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Disease ang kanilang itinakdang 72 oras na deadline sa mga lilipad palabas ng Pilipinas.
Sa press briefing ng IATF, sinabi ni Cabinet Secretary Karlo Nograles na papayagan nang makaalis ng bansa ang lahat ng mga Overseas Filipino Workers (OFW)’s, balikbayan at mga dayuhan anumang araw sa panahon ng enhanced community quarantine mula sa anumang international aiport sa Luzon.
Ayon kay Nograles, kinakailangan lamang aniyang ipakita ang patunay ng pagbiyahe sa loob ng 24 oras habang iisang kaanak lamang ang maaaring maghatid sa kanila sa mga paliparan.
Binigyang diin naman kalihim na hindi kasama rito ang pagbiyahe ng mga Filipino patungo sa mga bansang may ipinatutupad na travel restrictions.
Samantala, inatasan naman ng IATF ang owwa na maglaan ng transport service para sa mga magbabalik bansang OFW’s mula sa anumang international aiport sa Luzon patungo sa kanilang destinasyon.