Marami pang mga dating opisyal ng nakaraang administrasyon ang dapat kasuhan kaugnay sa apat na bilyong pisong maintenance contract ng MRT-3.
Reaksyon ito ng kolumnista at DWIZ broadcaster na si Jarius Bondoc matapos i-akyat ng Ombudsman sa Sandiganbayan ang kasong graft laban kina dating Transportation Secretary Joseph Emilio Abaya at labing anim na iba pa.
Ayon kay Bondoc, nawawala sa mga kinasuhan si Marlo Dela Cruz, ang nagsilbing financier sa kampanya ni dating Transportation Secretary Mar Roxas noong tumakbo itong Vice President noong 2010.
Sinabi ni Bondoc na sumulat na siya ng serye ng mga kuwestyonableng transaksyon ng noo’y DOTC sa mga kumpanya ni Dela Cruz.
Binigyang diin ni Bondoc na siguradong hahaba ang listahan ng mga kakasuhan kung maisasama si Dela Cruz.
“Tapos bigla na lang pinalayas ‘yung Sumitomo ginawa nila ‘yung PH Trans, bagong kumpanya lang, dalawang buwan pa lang ang puhunan na ay P625,000, binigyan nila ng kontratang P55 million a month, tapos dahil inexpose na natin noon, bumantot ang pangalan kumbaga ipinalit nila doon ay APT Global pero ‘yun pa rin ang may-ari, ‘yung Marlo Dela Cruz, so inexpose na naman natin dahil sinasabi natin eh ‘yun pa rin ‘yan eh, nagkukunwari lang na ibang kumpanya ‘yan pero siya pa rin ‘yung official representative.” Ani Bondoc
BAYAN patuloy na magbabantay
Patuloy na babantayan ng grupong Bagong Alyansang Makabayan o BAYAN ang kaso laban kina dating Transportation Secretary Joseph Emilio Abaya at labing anim (16) na iba pa pagsampa nito sa Sandiganbayan.
Ayon kay Renato Reyes, Secretary General ng BAYAN, mahigit apat na bilyong piso ang pinag-uusapan sa kasong ito na ibinayad sa isang hindi kuwalipikadong maintenance provider at naging ugat ng matinding pagdurusa ng daan-daang libong pasahero ng MRT-3.
Sinabi ni Reyes na graft ang isinampa nilang kaso dahil matibay ang mga hawak nilang ebidensya upang matiyak na makakakuha sila ng conviction sa Sandiganbayan.
Matatandaan na kinasuhan rin ng Department of Transportation ang grupo ni Abaya ng plunder subalit ibinasura lamang ito ng Ombudsman.
“Malayo pa tayo sa hustisya, panimulang hakbang pa lang ito na dapat eh masigurado natin na anumang kaso ang isasampa sa Sandiganbayan ay dapat matibay at hindi basta madi-dismiss, 25 boxes po ang aming dinala sa Ombudsman, malinaw ang mga ebidensya, tingin naman namin ay matibay na ‘yun at kuntento kami doon sa nakita naming initial statement sa resolution na ang mga argumentong binanggit natin na nagsasabing disadvantageous, unqualified ‘yung maintenance provider na pinaboran nina Abaya at ng mga opisyal ng DOTC.” Pahayag ni Reyes
(Ratsada Balita and Balitang Todong Lakas Interviews)