Iniimbestigahan na ng Philippine National Police (PNP) ang isa pang kaso ng pagdukot sa mga Koreano na kinasasangkutan ng ilang scalawag na pulis sa Angeles City, Pampanga.
Ayon kay Police Regional Office 3 Director, Chief Supt. Aaron Aquino, pitong pulis mula sa Angeles City Police Station 5 ang isinailalim sa restrictive custody at nahaharap sa administrative charges.
Ito’y makaraang ireklamo ng tatlong Koreanong nagbabakasyon at maglalaro lamang ng golf sa bansa ang pag-aresto at pagkakakulong sa kanila ng pitong oras.
Kinikilan pa umano ang mga dayuhan ng 300,000 pesos kapalit ng kanilang kalayaan at 10,000 pesos sa wallet na tinangay ng mga pulis bukod pa sa mga golf equipment, sapatos, alahas at laptops mula sa kanilang tinutuluyang bahay sa Friendship Plaza Subdivision.
Naganap anya ang insidente noong December 30 sa Friendship Plaza kung saan pinasok sila ng mga pulis at inaresto ang mga Koreano dahil sangkot umano ang mga ito sa illegal gambling pero wala namang warrant.
Samantala, magkahalong gigil at galit naman ang nararamdaman ni Aquino lalo’t hindi pa natatapos ang kaso ng pagdukot at pagpatay sa Korean businessman na si Jee Ick Joo na kinasasangkutan din ng mga pulis.
By Drew Nacino