Pinag-aaralan na ng International Criminal Court ang posibleng pag-aresto sa iba pang mga personalidad na sinasabing sangkot sa war on drug campaign sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay ICC Spokesman Fadi El Abdallah, patuloy ang imbestigasyon at paghahanap ng sapat na ebidensya ng ICC Prosecutor, upang maisumite ito sa mga hukom, na magdedesisyon kung maglalabas ba ang pandaigdigang korte ng arrest warrant sa iba pang mga sangkot sa drug war ng Duterte administration.
Kaugnay nito, binigyang-diin ni Dr. Abdallah na mahalagang aspeto ang “confidentiality” upang maging matagumpay ang imbestigasyon kung kaya hindi muna aniya siya magbibigay ng iba pang mga detalye ukol sa nasabing usapin.
Bagama’t walang pinangalan ang tagapagsalita ng ICC, naunang sinabi ni Senador Ronald ‘Bato” Dela Rosa na inaasahan na niyang kabilang siya sa iba pang aarestuhin ng ICC, dahil isa siya sa mga mga naging Hepe ng Philippine National Police at nanguna sa implementasyon ng giyera kontra droga noong administrasyong Duterte.—sa panulat ni John Riz Calata