Hindi tatalakayin ng Korte Suprema sa gagawing oral arguments sa susunod na linggo ang dalawang petisyong humihiling na atasan nito ang Kongreso para magsagawa ng joint session.
Kaugnay ito sa idineklarang Martial Law ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Mindanao bunsod ng nangyaring pag-atake ng Maute Terror Group sa Marawi City dalawang linggo na ang nakalilipas.
Batay sa mensaheng ipinaabot ni Supreme Court Public Information Office Chief Atty. Theodore Te, nilinaw nito na hindi sakop ng nasabing kautusan ang parehong petition for mandamus na inihain nila Senadora Leila de Lima, dating Senador Wigberto Tañada at mga obispo ng simbahang Katolika.
Maliban sa nasabing mga petisyon, mayruon ding hiwalay na petisyong inihain ang Magnificent 7 ng mababang kapulungan ng Kongreso na kumukuwesyon din sa ligalidad ng nasabing deklarasyon.
Kasunod nito, ipinabatid ni Te na posibleng pagsamahin na lamang ang Padilla – Tañada petitions subalit malabo aniyang maisama ang inihaing petition naman ni Albay Rep. Edcel Lagman.
By: Jaymark Dagala / Bert Mozo