Hindi na nabibigyang atensyong medikal ang ibang pasyenteng mayroong iba pang karamdaman maliban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito’y ayon sa Department of Health (DOH) batay sa mga natatanggap nilang report.
Ayon kay Health Undersecretary Leopoldo Vega, bagama’t wala silang tiyak na bilang ngunit sa malamang aniya ay mayroon talagang mga nag-aalangan din na magtungo sa ospital kahit pa ito ay may sakit dahil sa takot din na mahawa ng COVID-19 sa pagamutan.
Dahil dito, tiniyak ng DOH na sisikapin nilang tugunan ang nasabing problema sa pamamagitan ng pagpapalawak pa ng kapasidad ng mga ospital para mabigyang atensyong medikal ang mga non-COVID-19 cases.