Ilan pang bansa ang nagsimula nang magpaabot ng tulong sa Pilipinas matapos ang pananalasa ng Bagyong Paeng.
Kabilang sa mga naunang sumaklolo ang U.S. at China habang nangako rin ng tulong ang Japan at Australia.
Ayon sa U.S. Embassy, nasa 10,000 family food packs ang kanilang ipinadala sa South Cotabato sa pamamagitan ng DSWD.
Nag-donate rin ang Chinese Embassy ng unang batch ng disaster relief materials, na kinabibilangan ng libu-libong distilled bottled water, instant noodles, bigas at kape, sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao Del Norte.
Magkakaloob naman ang Australia ng Life-Saving Family Kits sa mga pinaka-apektadong komunidad sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao na ipadadala sa pamamagitan ng Philippine Red Cross.
Kabilang sa mahigit 500 family kits, ang emergency household gaya ng sleeping kits, jerry cans, hygiene kits at tarps para sa mga naapektuhang pamilya sa Maguindanao at Zamboanga.
Samantala, inihayag ng United Nations-Office for the Coordination of Humanitarian Affairs na umabot na sa P51-M ang halaga ng ayudang ipinamahagi ng government at humanitarian partners.