Pinapurihan ng mga agricultural group ang commitment ni Pangulong Bongbong Marcos na i-modernize ang sektor ng agrikultura at suportahan ang mga magsasaka sa pamamagitan ng subsidiya.
Sa kanyang unang State of the Nation Address kahapon, tiniyak ni Pangulong Marcos na ipa-prayoridad ng gobyerno ang procurement ng farm inputs para sa mga magsasaka sa murang halaga.
Kabilang sa mga farm inputs ang fertilizers, pesticides, binhi, feeds at krudo, na mahalaga sa pagiging produktibo ng agricultural sector.
Ayon kay Samahang Industriya ng Agrikultura executive director Jayson Cainglet, binigyang-diin ng Pangulo ang problema sa mataas na presyo ng pagkain dahil sa mas mahal na produksyon.
Ang pinaka-malaki anyang hamon para sa bansa ay mas mataas na local production.
Kuntento naman si Philippine Chamber of Agriculture and Food Incorporated President Danilo Fausto sa mga inilatag ni Pangulong Marcos, pero kanilang aabangan ang implementasyon ng mga ipinangako nito sa SONA.
Gayunman, hindi tinalakay ng Punong Ehekutibo ang rice tariffication law bilang bahagi ng kanyang legislative agenda bagay na inasahan ng stakeholders at iba pang grupo sa sektor ng agrikultura.