Magkakasunod na nagpalabas ng travel advisory ang iba’t ibang bansa matapos ang pag – atake sa Resorts World Manila noong Biyernes.
Pinag – iingat ng mga bansang Amerika, United Kingdom, Australia at Canada ang kanilang mga mamamayan na maging bigilante at alerto sa kapaligiran.
Pinaiiwas din ang naturang mga dayuhan sa bisita sa pinangyarihan ng pag –atake at maging sa pag bi-biyahe sa kabuuan ng Metro Manila.
Sa gitna ng kanilang babala, nagpahayag naman ng pakikiramay ang naturang mga bansa sa naging pag – atake sa nasabing casino hotel kung saan nasawi ang higit tatlumpu (30) katao.
May-bahay ng isang kongresista at partner ng isang dating artista kabilang sa mga namatay sa Resorts World
Kabilang sa mga namatay sa Resorts World Manila ay ang misis ng isang kongresista at partner ng isang dating artista.
Kasunod ito ng naging pag – atake ng nag iisang gunman sa naturang casino hotel.
Kinilala ang biktimang si Elizabeth Gonzales ang may – bahay ni Pampanga Representative Aurelio Gonzales.
Kasama ni Elizabeth ang kanyang kapatid na si Concolacion Mijares nang mangyari ang insidente.
Habang si Eluterio Reyes naman ay ang mister ng dating actress na si Azenith Briones.
Nasawi rin sa insidente ang staff ni Malabon Congressman Ricky Sandoval na si Cliff Reneira na isang consultant sa tanggapan nito sa Kamara.
Stocks ng Resorts World Manila bumagsak
Bumagsak ang stocks ng RWM o Resorts World Manila kasunod ng nangyaring pag – atake ng isang gunman sa lugar.
Sa pagsasara ng Philippine Stocks Exchange, naitala ang 7.9% na pagbaba sa share of stocks ng Traveler International Hotel Incorporated na syang operator ng RWM.
Naitala rin ang pagbaba ng stocks ng Bloomberry Resorts Corporation na operator ng Solaire Casino at Melco Resorts and Entertainment Corporation na operator naman ng City of Dreams.
By Rianne Briones