Inilarga na ng humigit kumulang nasa limampung mga bansa sa mundo ang kanilang immunization program kontra COVID-19.
Ito’y kahit hindi pa awtorisado ang ilan sa mga bakunang ito ng mga kinauukulang ahensya dahil sa usapin ng kaligtasan sa paggamit nito.
Sa China na itinturing na episentro ng COVID-19, nasa 5 milyon na ang nabakunahan matapos mabigyan ng conditional market approval ang Sinopharm vaccine.
Tuluy-tuloy na rin ang pagtuturok ng bakuna na Sputnik V sa russia habang sumunod na rin ang mga bansang Belarus, Argentina at Algeria na magsisimula ang bakuna ngayong buwan.
Halos isang milyon naman na ang nabakunahan sa Britaniya matapos payagan na nito ang paggamit ng bakuna mula sa Pfizer-BioNTech.
Gayundin ang mga bansang Canada, Amerika, Switzerland, Serbia at karamihan ng mga bansa sa europa tulad ng Norway at Iceland.
Naglunsad na rin ng programa ang mga bansa sa United Arab Emirates gamit ang sinopharm ng China maging sa Saudi Arabia, Bahrain, Qatar, Kuwait at Oman.
Target naman ng Israel na mabakunahan ang nasa 800,000 populasyon nito habang magsisimula na rin ngayong buwan ang pagbabakuna sa Turkey.
Gumulong na rin ang vaccination drive sa mga bansang Mexico, Chile at Singapore habang target makapagkasa ng bakuna ang mga bansang Japan, India at Taiwan sa unang quarter ng taon.
Sa ikalawang quarter naman ang Pilipinas at Pakistan habang sa kalagitnaan pa ng taon magsisimula ang vaccination sa mga bansang Afganistan at Thailand.