Matapos ang halos isang buwan, tuloy pa rin ang pagbibigay-saya ng Ibagiw Creative Festival 2022 sa Baguio City.
Punong-puno ng aktibidad ang lungsod, lalo sa weekend dahil sa iba’t ibang pagtatanghal at pagpapamalas ng pagiging malikhain ng mga taga-Cordillera.
Noong nakaraang Linggo, Nov. 20, nag-transform bilang isang malaking fashion runway ang kahabaan ng Session Road kung saan idinaos ang CULTURE COUTURE, isang fashion show na tampok ang iba’t ibang katutubong likhang-habi mula sa Cordillera at Ilocos regions.
Samantala, nagkaroon naman ng kakaibang acting workshop na pinangasiwaan ng award-winning Japanese actor na si Miyuki Kamimura nitong Nov. 21-23 sa tinaguriang “The Actor’s Body”.
Hindi rin nagpaawat ang mga cosplayer na kanya-kanya ang mga gimik para sa Cosplay Competition ng 3rd North Hobby Expo.
Tuloy din ang Creative Crawl kung saan isang batch na naman ng social media influencers ang nakakumpleto ng Ibagiw trail ang nagawaran ng kanilang premyo.
Nagpatagisan din ang mga craftsman at artisan ng Baguio para sa UPCYCLING Challenge sa paggawa ng kani-kanilang mga handmade pieces na gawa sa mga indegenous material.
Dahil na rin sa pagluluwag na sa travel restrictions at ng mga health protocol, mas maraming mga art enthusiast at turista ang nakibahagi sa pagdiriwang ng Ibagiw Festival 2022 para sa ik-5 taon nito.
Ngayong darating na Linggo, Nov. 27, nakatakda ang closing ceremonies ng Ibagiw 2022 sa pamamagitan ng ANIDO NIGHT na idaraos sa Baguio Cultural and Convention Center.