Mariing ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno na magtulungan para i-assess ang epekto ng oil spill matapos ang paglubog ng isang oil tanker sa Bataan.
Partikular na inatasan ng Pangulo ang Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Science and Technology (DOST), at Philippine Coast Guard (PCG) na pangunahan ang assessment.
“Can we add an instruction to the DENR to make already an assessment on the environmental impact of this?” ayon sa Pangulo sa idinaos na situation briefing sa Presidential Security Command compound.
Nais matukoy ni PBBM ang eksaktong lokasyon ng lumubog na tanker.
Bukod dito, pinatutukoy din ng Pangulo sa mga environmental expert ang mga baybaying apektado ng oil spill at ipinahahanda na ang tulong sa mga maaapektuhan.
Lulan ng MT Terra Nova ang nasa 1,494 metric tons ng industrial fuel oil nang lumubog ito sa Lamao na coastal barangay ng Limay.
Sinasabing nailigtas naman ang 16 na crew nito habang nasawi naman ang isang tripulante.