Nagkilos-protesta sina dating finance undersecretary Cielo Magno, iba’t ibang labor at medical groups at health advocates sa Mendiola, Maynila bilang pagtutol sa zero-subsidy ng PhilHealth sa ilalim ng 2025 national budget.
Ayon kay dating usec. Magno, bagama’t welcome sa kanila ang pahayag ni Executive Secretary Lucas Bersamin na iaantala muna ang pagpirma sa budget para pag-aralan ito, hindi na aniya dapat pang pag-isipan ang pagbibigay ng pondo sa PhilHealth kung talagang may pakialam ang gobyerno sa kapakanan ng mga Pilipino.
Iginiit ng dating opisyal na dapat lamang ay matiyak na para sa publiko ang pondo at hindi para sa mga pulitiko.
Matatandaang inulan ng pambabatikos ang kawalan ng subsidiya ng PhilHealth, pagtapyas sa pondo ng department of education, at pagpopondo naman sa Ayuda para sa Kapos ang Kita Program o AKAP ng Department of Social Welfare and Development na ngayo’y inihahalintulad sa ‘pork barrel’ scam. – Sa panulat ni Laica Cuevas