Nakiisa ang iba’t ibang grupo at environmental advocates sa ginanap na taunang Earth Hour event sa Makati City.
Pinangunahan ng World Wildlife Fund for nature (WWF) Philippines ang sabay-sabay na pagpatay kagabi ng mga ilaw na simbolo ng pagpapakita ng suporta sa kampanya para protektahan ang inang kalikasan.
Naging sentro ng aktibidad ang panawagan ng grupo na iwasan na ang paggamit ng plastic dahil sa masamang dulot nito sa mundo.
Ayon sa #ayokongplastik movement, nais nilang himukin ang publiko na simulan ang tumulong sa kanilan hakbangin na makabuo ng mga panuntunan upang tuluyan nang mahinto ang pagkonsumo ng plastic.
Base sa ulat ng WWF-Philippines, pumalo sa 3.5-million ang nagbigay ng reaksyon sa social media kaugnay sa earth hour event noong nakalipas na taon.
30 mga bansa naman ang nagpakita ng pakikiisa sa aktibidad kung saan nagpatay ng ilaw ang ilang kilalang landmark.
Matatandaang, kabilang ang tanggapan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga nagpaabot ng suporta sa ginanap na programa.
Pagpatay ng ilaw makakatulong sa reserba ng renewable energy — WWF
Nanawagan sa publiko ang World Wildlife Fund for Nature (WWF) na ipagpatuloy ang mga paraan na makakapagbigay ng proteksyon sa kalikasan kahit tapos na ang taunang selebrasyon ng Earth Hour.
Ayon kay WWF Philippines Unit Head for Communication and Media Dan Faustin Ramirez, responsibilidad ng bawat tao ang mapangalagaan ang inang kalikasan at hindi lamang ito nagtatapos sa pagpatay ng ilaw sa loob ng isang oras.
Maliban aniya sa matipid na pagkonsumo ng kuryente, malaking tulong din ang proyektong ito upang magkaroon ng reserba ang renewable energy.
Kabilang din aniya sa adbokasiya ng grupo ang pagsusulong ng kampanya laban sa paggamit ng plastik.