Gumagamit na ng mga makabagong paraan ang mga sindikato ng droga sa paggawa ng ipinagbabawal na gamot.
Ito ang isiniwalat ni Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA Director Gen. Arturo Cacdac Jr. na siyang dahilan ng pagbagsak ng presyo nito.
Unang tinukoy ni Cacdac ang kompetisyon sa pagitan ng West African drug cartel at ng pinagsamang Filipino at Chinese drug syndicate.
Ani Cacdac, ito’y dahil sa mas binababaan ng West African group ang presyo ng drogang ibinebenta naman ng mga Chinese drug syndicate.
Sunod naman ang pag-aangkat ng 2 in 1 substance o sangkap sa droga na mula pa sa North Korea na higit na mas mura kaysa sa regular na high purity substance na ginagamit sa merkado.
At ang ikatlo ayon kay Cacdac, hindi na kailangan pang gumamit ng malalaking aparato sa paggawa ng droga dahil maaari na itong gawin gamit ang pressure cooker.
Mas talamak sa mga highly urbanized cities
Tinukoy ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA ang mga lugar kung saan talamak ang operasyon ng iligal na droga sa bansa.
Ito’y ayon kay PDEA Dir. Gen. Arturo Cacdac Jr. ay dahil sa ang mga protektor ng operasyon ay mismong mga opisyal at kawani ng gobyerno maging ang mga pulis.
Ilan sa mga ito ayon kay Cacdac ay ang mga highly urbanized cities sa bansa tulad ng Baguio, Metro Manila, Dagupan, Cebu, at Davao gayundin ang lalawigan ng Laguna.
Batay sa tala ng PDEA, 190 high value target ang kanilang nasakote noong isang taon.
Apatnapu’t limang (45) porsyento rito ay mga kawani ng gobyerno, 36 ang mga law enforcers o pulis at 29 na porsyento rito ang mga opisyal ng gobyerno.
Samantala, inamin din ni Cacdac na sa kabilang kanilang matagumpay na kampaniya sa paghuli ng mga gumagamit, nagtutulak at gumagawa ng iligal na droga, kulang naman ang mga rehabilitation centers sa buong bansa.
By Jaymark Dagala | Sapol