Ilang Memorandum of Understanding (MOU) ang nilagdaan sa pagitan ng Pilipinas at Vietnam. Ito ang naging bunga ng pagbisita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Vietnam.
Matatandaang dumating si Pangulong Marcos sa Vietnam noong January 29, 2024 ng hapon para sa kanyang two-day state visit na inaasahang magpapalakas sa ugnayan ng dalawang bansa, partikular na sa agrikultura, maritime security, at iba pang mga sektor.
Isa sa mga nilagdaang kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Vietnam ang MOU para sa Rice Trade Cooperation.
Sa Rice Trade Cooperation, sumang-ayon ang Vietnam sa isang five-year trade commitment kung saan magsusuplay ng white rice ang kanilang private sector sa pribadong sektor ng Pilipinas na aabot sa 1.5 million hanggang 2 million metric tons (MT) kada taon. Nakatakda itong ibenta sa abot-kayang halaga.
Sa naturang kasunduan, bubuuin ang isang framework upang matiyak ang pagkakaroon ng sustainable food supply sa gitna ng mga epekto ng climate change, pandemic, at iba pang mga kaganapan.
Paiigtingin naman ng Cooperation in Agriculture and Related Fields ang ugnayan ng Pilipinas at Vietnam sa larangan ng agrikultura, rural development, at iba pang mga kaugnay na sektor; gayundin ang pagtatatag sa 19 areas of cooperation. Kabilang dito ang high value crops, livestock and aquaculture, farm management and sustainability, smart agriculture and aquaculture technology, research trainings, at palitan ng mga eksperto.
Bukod dito, nagkasundo ang Pilipinas at Vietnam na pahusayin ang kanilang koordinasyon pagdating sa maritime issues sa bisa ng Incident Prevention and Management in the South China Sea. Sa pamamagitan ng dialogue at cooperative activities, palalakasin ng dalawang bansa ang kanilang mga pagsisikap upang tumibay ang kanilang tiwala, kumpiyansa, at pagkakaunawaan sa nasabing isyu.
Kaugnay nito, bubuuin ang Joint Coast Guard Committee sa bisa naman ng Maritime Cooperation upang talakayin ang mga isyu at interes ng Philippine Coast Guard (PCG) at Vietnam Coast Guard (VCG). Isang hotline communication ang itatatag sa pagitan ng coast guards ng dalawang bansa.
Samantala, palalawakin naman ng Pilipinas at Vietnam ang cultural exchanges at patitibayin ang kanilang pagkakaibigan sa pamamagitan ng Cultural Cooperation Program. Alinsunod ito sa Cultural Agreement na nilagdaan ng dalawang bansa noong 1998.
Ayon kay Pangulong Marcos, mahalaga ang kanyang state visit sa Vietnam dahil ito ang nag-iisang strategic partner ng Pilipinas sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) region. Sa pagbisita ng Pangulo sa Vietnam kung saan nilagdaan ang iba’t ibang kasunduan, muling tumibay ang pangako ng Pilipinas na higit pang palakasin ang relasyon ng dalawang bansa.