Perwisyo ang inabot ng maraming motorista sa Metro Manila makaraang malubog sa baha bunsod ng maghapong pagbuhos ng ulan kahapon.
Kabilang sa mga nakaranas ng pagbaha ang mga lansangan sa lungsod ng Maynila, Caloocan, Quezon City, Mandaluyong, Makati, Pasay at Parañaque City.
Bagama’t madali namang humupa ang mga naitalang pagbaha sa ilang kalsada, naging pahirapan naman ito sa bahagi ng R. Papa sa Maynila dahil sa mga bumarang basura sa Abucay Pumping Station.
Kasunod nito, nanawagan naman ang MMDA o Metro Manila Development Authority sa mga residenteng malapit sa daluyan ng tubig na maging disiplinado sa pagtatapon ng basura.
Samantala, tila pinitpit na lata naman ang isang kotse sa bahagi ng Scout Gandia sa Quezon City makaraang mabagsakan ng puno ng ipil-ipil na bahagyang nagpabagal sa daloy ng trapiko sa lugar.
- Jaymark Dagala