INIHAYAG ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nagagawa ng mga Pilipino na mapagtagumpayan ang mga kasalukuyang hamon na kinakaharap ng bansa.
Binigyang-diin ito ni PBBM sa kanyang talumpati sa ika-503 anibersaryo ng ‘Battle of Mactan’ sa Lapu-lapu City.
Ayon sa Pangulo, nananatiling buhay ang diwang makabayan ng mga Pilipino hindi lamang sa Visayas kundi maging sa buong Pilipinas.
Aniya, sa pagkakaroon ng “patriotism” ay hindi lamang naipapakita ang pagmamahal sa bawat isa kundi napoprotektahan din ang karapatan at soberanya ng bansa.
Binanggit din ng Presidente ang kahalagahan ng pagkakaisa at pagkakaroon ng lakas ng loob upang labanan ang mga panggigipit.
“Ngunit sa panahong ito, may mga makabagong pagsubok tayong hinaharap na ang solusyon ay hindi dahas o armas. Nangangailangan ito ng ating katapangan, ng ating pagkilos, at higit sa lahat ang ating pagkakaisa,” ayon sa Pangulo.
Aminado naman si Pangulong Marcos na hindi madaling labanan ang mga problema gaya ng kahirapan at kagutuman.
Subalit nananatili aniyang committed ang kanyang administrasyon sa pagsusulong ng mga hakbang upang masolusyonan ang mga ito, kasama na rito ang pamamahagi ng tulong sa mga nangangailangan at paghikayat sa mga kumpanya na mamuhunan sa bansa para makalikha ng mas maraming trabaho.