Nasamsam ng mga tauhan ng 7th Infantry Battalion sa ilalim ng Joint Task Force Central ng Philippine Army ang ibat-ibang klase ng mga baril at bala matapos madiskubre ang mga taguan ng armas ng mga hinihinalang Lawless Element or Terrorist Groups sa Sultan Kudarat.
Sa pahayag ni Lt. Gen. Alfredo Rosario, Jr., commander ng AFP- Western Mindanao Command, nahukay ng kanyang mga tauhan ang mga nasabing armas na ibinaon sa Sitio Kanalan, Barangay Marquez, Esperanza na sinasabing pag-aari ng mga kasapi ng isang mass organization matapos isumbong ng mga concerned citizen.
Kabilang sa mga nasamsam ang 34 na 12-gauge shotgun, isang m79 grenade launcher, isang springfield rifle, isang cal. 22 rifle, dalawang single-shot pistol, isang cal. 45 pistol, isang uzi pistol, dalawang IED detonator, at iba’t ibang klase ng mga bala.
Inilalagay sa ilalim ng kustodiya ng 7IB para sa pag-iingat ang mga baril at bala na nasamsam sa nabanggit na lugar. —sa panulat ni Angelica Doctolero