Iimbestigahan ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang ibinabatong akusasyon laban kay National Capital Region Police Office Director P/MGen. Debold Sinas.
Ito’y makaraang akusahan si Sinas at mga tauhan nito ng harrassment dahil sa umano’y paninigaw at pananakot nito sa isang pamilya na pinaaalis sa kanilang tinutuluyang bahay sa Southern Police District (SPD) compound sa Taguig City.
Ayon kay PNP Chief P/Gen. Archie Francisco Gamboa, bagama’t nagpaliwanag na sa kaniya si sinas hinggil sa insidente, sisilipin pa rin nila ito upang malaman ang iba pang mga tagpo sa likod nito.
Magugunitang nagviral sa social media ang post ng isang Arles Delos Santos na anak ng retiradong si P/Exec. Master Sgt. Arnel Delos Santos kung saan, ikinagulat nila ang isang batalyong pulis na kasama ni sinas nang magpunta ito sa kanilang bahay.
Pero nanindigan si sinas na iligal na ang pananatili ng pamilya delos santos sa nabanggit na bahay dahil retirado na ang pulis na naka-okpua rito at dapat ay lumisan na matapos ang kaniyang pagreretiro.