Hindi sapat ang ibinabayad ng PhilHealth para sa gastusin ng mga nagkakasakit ng COVID-19.
Ayon ito kay dating Health Secretary Manuel Dayrit sa isinagawang webinar sa pagitan ng mga opisyal ng Department of Health at pribadong sektor.
Inilabas ni Dayrit ang data na nagsasabing P786,000 lamang ang sinasagot ng PhilHealth mula sa P1-milyon hanggang P2.5-milyong halaga ng critical hospital care para sa kada pasyente ng COVID-19, sa pribado o pampubliko mang ospital naka confine ang pasyente.
Para naman sa non-critical cases, sinabi ni Dayrit na sinasagot ng PhilHealth ang P44,000 hanggang P344,000 gastusin sa ospital na kadalasang nasa P65,000 hanggang P948,000.
Ipinabatid pa ni Dayrit na sa mga pangunahing ospital lamang sa Metro Manila, pumapalo na sa P200-million ang receivables ng PhilHealth simula nuong buwan ng Marso.
Dahil ditto, pinayuhan ni Dayrit ang PhilHealth na repasuhin ang mga polisiya nito para masakop ang tumaas na halaga ng gastusin sa ospital lalo na ng mga nangangailangan.
Maaari aniyang i-adjust ng PhilJealth ang case rate nito para mailabas ang tunay na gastusin sa ospital ng isang COVID-19 patient.
Una nang inamin ni PhilHealth acting senior vice president Nerissa Santiago sa Senate hearing na hanggang sa 2021 na lamang tatagal ang pondo ng ahensya dahil sa mababang koleksyon at inaasahan pang pagtaas ng bayarin kapag nagpatuloy pa ang COVID-19 pandemic.