Binawi ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ibinigay na amnestiya ng nakaraang administrasyon kay Senador Antonio Trillanes IV dahil sa umano’y kabiguang tumupad sa mga hinihinging requirement nito, ayon sa Malacañang.
Batay sa proclamation number 572 na nilagdaan ni Pangulong Duterte, hindi naghain ang senador ng Official Amnesty Application Form nang siya ay pagkalooban nito noong 2010.
Ibinigay na amnestiya kay Senator Antonio Trillanes IV, binawi na ng Malacañang | via @jopel17 @blcb pic.twitter.com/Hr5jYGDhaM
— DWIZ Newscenter (@dwiz882) September 4, 2018
Hindi rin umano kailanman umamin o nagkaroon ng ‘admission of guilt’ sa panig ni Trillanes sa kinasangkutan niyang Oakwood Mutiny noong 2003 at Manila Peninsula Hotel siege noong 2007.
Dahil dito, agad na inatasan ang Department of Justice (DOJ) at Armed Forces of the Philippines court martial na ituloy ang lahat ng “criminal at administrative cases” laban sa senador may kaugnayan sa mga inilunsad na kudeta.
Habang inatasan naman ang AFP at PNP na arestuhin si Trillanes para madala siya sa bilangguan at maharap niya ang paglilitis.
Inilahad na ‘effective immediately’ ang pagpapatupad sa nasabing kautusan.
Reaksyon ni Trillanes
Tinawag namang political persecution ni Senador Trillanes ang inilabas na kautusan ng Palasyo.
Aniya, dahil wala nang maibato sa kanya ay nag-imbento na lamang ng kaso ang Pangulong Duterte.
“Hindi mo puwedeng bawiin ang amnesty. Amnesty is an act of Congress, hindi ‘yan puwedeng baliin ng isang EO.”
“Hindi maga-grant ang amnesty kung walang application. Kaya I will not dignify ang kalokohang ‘yan, imbento lang nila ‘yan.” Ani Trillanes
Gayunman, nanindigan ang senador na hindi siya magtatago at haharapin niya ang mga kaso laban sa kanya
“Kung ipaaaresto, sasama ako, mag-iimpake. I will not resist arrest. I will not escape, haharapin ko ito. Ang tanong ko kay Mr. Duterte kapag dumating ang panahon niya, makakaharap kaya siya?” Dagdag ni Trillanes
Hindi rin umano siya natatakot sa Pangulo bagkus ay mas ginaganahan pa siya na maging kritiko ng administrasyon.—AR