Pumalag ang ALU-TUCP sa umano’y pagbawi ng hazard pay ng mga manggagawa sa paliparan.
Iginiit ni ALU-TUCP Spokesperson Alan Tanjusay, hindi maaaring bawiin ang mga benepisyong ibinigay na sa mga manggagawa.
Unang-una napagtrabahuhan na ‘yan, ang tinatawag na terminology d’yan ay accrued, kumbaga sa taxi naibaba na ‘yong metro, umaandar na yung metro since day 1,” ani Tanjusay.
Ani Tanjusay maaari lamang bawiin ang benepisyo kung ito ay dinaya o hindi tapat na idineklara ang araw ng mga pinasok para lamang mabayaran ng hazard pay.
Kung babawiin umano ang benepisyo ng isang manggagawa kahit ito ay “faithfully rendered the job”, malinaw na ito ay may nilalabag na labor code.
Ito ay paglabag sa labor code kung babawiin, ito ay tinatawag na diminution of wages and benefits. Yung burden ngayon ay nasa Civil Service Commission at nasa labor department. Dapat maglabas sila ng judgement na hindi dapat bawiin ang mga naibigay na at naitrabaho na, ng mga benepisyo katulad ng hazard pay,” ani Tanjusay.