Ikinalugod ng kampo ni dating pangulo at ngayo’y Pampanga Representative Gloria Macapagal Arroyo ang furlough na ibinigay ng Korte Suprema.
Ayon sa dating abogado at malapit na kaibigan ni Arroyo na si Atty. Larry Gadon, maligaya ang dating pangulo dahil makakasama niya ang kanyang pamilya ngayong Kapaskuhan.
Maituturing din aniya itong positive development sa kaso dahil lahat ng mahistrado ay pumabor para mabigyan ng furlough si Arroyo.
“Mahaba-haba ito, maganda yung oras na ibinigay alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon from December 23 to 26 at yung December 30 to January 2.” Ani Gadon.
Hospital arrest
Patuloy na ilalaban ng kampo ni dating Pangulo Gloria Arroyo na mapalaya ito mula sa pagkaka-hospital arrest sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC).
Ayon kay Atty. Larry Gadon, dating abogado at malapit na kaibigan ni Arroyo, sa halip na bumuti sa ospital ay palala nang palala pa ang kalagayan ng kalusugan ni Arroyo.
Aniya, mas makabubuti kay ginang Arroyo na makapagpatingin sa eksperto sa ibang bansa.
“Ang rekomendasyon talaga nila ay dapat payagang palayain si former president Gloria Macapagal Arroyo, dahil ang kanilang analysis ay nadadagdagan lang ang kanyang sakit dahil hindi siya nakakakilos ng malaya sa ospital.” Pahayag ni Gadon.
By Rianne Briones | Ratsada Balita