Dumipensa ang Grab Philippines sa ibinigay nilang refund sa mga kustomer matapos itong makatanggap ng batikos dahil sa maliit lamang umano ang natanggap ng ilan sa kanilang mga pasahero.
Ayon kay Brian Cu, Grab Philippines country manager, tama ang kanilang computation sa kanilang refund sa mga kustomer.
Aniya sa 3-M active users at P19-M refund na iniutos ng Philippine Competition Commission (PCC), lalabas na naglalaro sa P20 ang rebate ng bawat user.
Sinabi ni Cu na bagama’t malaki ang naging epekto nito sa financial stability ng kumpanya, sinikap pa rin ng Grab na makasunod sa iniutos ng PCC.
Maliban pa aniya sa pagbabayad ng refund, libu-libong driver umano ng Grab ang kanilang pinagbawalang pumasada dahil sa palagiang pagkakansela ng booking.