Hindi kumbinsido si Senador Grace Poe na walang basbas ni Vice President Jejomar Binay ang ibinunyag ni UNA Interim President at Congressman Toby Tiangco.
Kaugnay ito sa hindi tamang bilang ng residency ni Poe sa Pilipinas na isa sa requirement para makatakbo sa 2016 Presidential elections.
Nagpatutsada rin si Poe hinggil sa ibang aniya’y nagtatago sa likod ng kaniyang mga tagapagsalita na si Binay ang tinutukoy bagamat hindi direktang inihayag ng senadora.
Una nang inihayag ni Binay na tinangka niyang pigilan si Tiangco na ilabas ang isyu at sinabihan pa aniya ito na ipaubaya na sa iba ang paglalantad ng usapin.
Takot Sila
Nagtataka si Senador Grace Poe kung bakit may mga aniya’y natatakot sa kaniyang posibleng pagtakbo sa 2016 Presidential elections.
Kasunod na rin ito nang ibinunyag ni UNA Interim President at Congressman Toby Tiangco na hindi kuwalipikadong tumakbo sa 2016 si Poe dahil sa usapin ng residency.
Kinuwestyon ni Poe ang timing ng isyu na itinaon matapos niyang pumirma sa committee report ng Senate Blue Ribbon Sub Committee na nagrerekomenda ng kasong plunder laban kay Binay.
Sinabi pa ni Poe na magiging paurong ang bansa kung ganitong mga tao ang maluluklok sa puwesto.
By Judith Larino | Cely Bueno (Patrol 19)