Dayalogo sa pagitan ng mga opisyal ng gobyerno at iba’t ibang concerned sectors ang mas makatutulong sa Pilipinas hinggil sa maritime dispute sa China.
Ito ang iminungkahi ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) matapos magkahamunan ng debate sa pagitan ni Pangulong Rodrigo Duterte at retired Senior Associate Justice Antonio Carpio ukol sa naturang usapin.
Ayon kay IBP President Domingo Egon Cayosa, walang masama sa debate ngunit mas makabubuting unahin muna ang dayalogo nang walang nakatutok na camera para maiwasan ang pamumulitika o kaya’y hindi pagkakaunawaan.
Giit ni Cayosa, hindi solusyon ang debate sa maritime dispute ng bansa laban sa China bagkus ay makapagbibigay lang ito ng kalituhan sa publiko.
Tuwang-tuwa pa aniya ang China rito dahil tila nag-aaway-away ang mga pinuno ng bansa at iba’t ibang sektor na nangangahulugan ng pagkakawatak-watak ng paninindigan hinggil sa isyu.