Kinuwestyon ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) ang justice system ng bansa matapos masawi ang tatlong buwang gulang na sanggol na nahiwalay sa ina nitong political detainee ilang linggo matapos ipanganak.
Ayon kay IBP President Domingo Egon Cayosa ang pagkamatay ni Baby River Nasino ay patunay nang pangangailangan ng mas mabilis at mas makatuwirang hakbangin para sa justice sector.
Sinabi ni Cayosa na dapat pangalagaan ng justice system ang mga pangangailangan at karapatan ng inosenteng bata tulad ng breastfeeding at mas maayos na tsansang para mabuhay.
Kinuwestyon pa ni Cayosa ang mga kulungan sa bansa sa kawalan ng sapat na pasilidad para sa mga bata at kababaihang detainees na kinikilala ng batas at kung mayroong double standards sa mga malalaking bilanggo na nabibigyan ng pareho o mas malaking pribilehiyo.