Dapat iwasan ang diskriminasyon sa health workers, frontliners, at mga pasyenteng positibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Apela ito ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) na nagsabi ring hindi dapat umabot sa takot o pagpa-panic ng publiko ang krisis sa COVID-19 na maisasantabi na ang humanity ng lahat gayundin ang pag suporta at compassion para sa mga biktima at frontliners.
Ginawa ng IBP ang apela matapos mapaulat ang mga nangyayaring diskriminasyon sa ilang frontliners tulad nang hindi pagpapapasok sa kanlang tinutuluyang boarding house, hindi pagtanggap sa mga ospital, at hindi pagpapasakay sa mga public transportation.
Binigyang diin ng IBP na nauunawaan nito na may mga kinakailangang pagiingat subalit dapat pa ring maging makatuwiran at dapat ay naaayon sa batas na dapat sundin tulad ng magna carta of patient’s rights and obligations at magna carta of public health workers.
Nangako ang IBP na igagalang ang karapatan at idedepensa ang mga frontliners laban sa pagmamalabais ngayong panahon ng krisis.