Binatikos ng mga nasa oposisyon ang idinaos na ASEAN Summit sa Pilipinas kung saan, tinawag itong papogi lang ng administrasyong Duterte.
Ito ang tahasang inihayag ng tinaguriang Magnificent 7 sa mababang kapulungan dahil sa hindi naman natalakay ng husto ang mga malalaking usapin na kinahaharap ng Pilipinas gayundin ng mga bansa sa rehiyon.
Kapwa sinabi nila Ifugao Rep. Teddy Baguilat at Akbayan Rep. Tom Villarin, tila hindi naman pinansin ng mga ASEAN Member Countries ang iba’t ibang usapin tulad ng human rights at hakbang kontra iligal na droga.
Bigo rin anila ang ASEAN na talakayin sa naturang mga pagpupulong ang usapin ng mga Rohingya sa Myanmar gayundin ang lantarang pag-aangkin ng China sa mga pinag-aagawang teritoryo sa South China Sea.
Malakaniyang, pumalag sa alegasyong pampapogi lamang ang ginawang ASEAN Summit
Binuweltahan ng Malakaniyang ang mga nasa hanay ng opisisyon makaraang tawaging pageantry o pampaganda lamang ang idinaos na ASEAN Summit sa bansa.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, tila hindi alam ng mga nasa oposisyon ang kanilang mga paratang dahil hindi naman nila batid ang mga natalakay duon batay na rin sa official accounts.
Giit ni Roque, hindi maituturing na pageantry ang isyu hinggil sa bantang nuclear war ng North Korea, ang kapayapaan at katatagan sa South China Sea gayundin ang usapin ng terorismo.
Maituturing na tagumpay at makabuluhan ang naging resulta ng mga pagpupulong sa ASEAN Summit at tiniyak ng Palasyo na mapakikinabangan ito hindi lamang ng mga Pilipino kung hindi ng lahat ng mga mamamayan sa rehiyon.