Ibinasura ng Korte Suprema ang mga petisyong kumukwestiyon sa legalidad ng idineklarang martial law ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Mindanao.
Sa botong 14 – 1, pinagtibay ng kataas-taasang hukuman ang ipinatutupad na batas militar sa Mindanao.
Labing isa (11) sa mga mahistrado ang nag-sabing legal ang martial law, tatlo (3) naman ang bumoto ng partially o limitado lamang dapat sa Marawi City at isa (1) ang pabor sa mga petitioners.
Matatandaang tatlong (3) magkakahiwalay na petisyon ang inihain sa Korte Suprema upang hilingin ang pagpapawalang bisa ng martial law sa Mindanao.
“The court dismissed the petitions by a vote of eleven (11) of its members, three (3) members voted for partially grant the petitions and one (1) member voted to grant the petitions.”
“All fifteen (15) justices have submitted draft opinions whether concurring or descending. All these opinions will be finalized and submitted tomorrow”, pahayag ni Atty. Theodore Te, ang tagapagsalita ng Korte Suprema.
AFP at PNP sa desisyon ng SC
Ikinagalak ng AFP o Armed Forces of the Philippines ang pagkatig ng Korte Suprema sa idineklarang martial law ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Mindanao.
Ayon kay AFP Spokesman Brig/Gen. Restituto Padilla, masaya sila na pumanig ang katas-taasang hukuman sa mga ginagawa ng sandatahang lakas para makamit kapayapaan sa Marawi City.
Pagtitiyak ni Padilla, hindi maaabuso ang ipinatutupad na batas militar sa Mindanao at mangingibabaw ang Rule of Law.
Sa panig naman ng pulisya, sinabi ni PNP Spokesman Chief/Supt. Dionardo Carlos na ang naturang desisyun ng Korte Suprema ay mas nagpatibay sa pangunahing layunin ng pamahalaan na protektahan ang bansa at publiko laban sa terorismo at kriminalidad.
Iginiit pa ni Carlos na mahalaga ang martial law para ma-protektahan ang soberenya ng Marawi City at buong Mindanao mula sa terorismo.
Senador Migz Zubiri
Maaari nang isulong ng tropa ng pamahalaan ang kanilang isinasagawang clearing operations o tuluyang paglipol sa mga terorista sa Marawi City nang walang alalahanin o bahid ng pagdududa.
Ito ang iginiit ni Senador Migz Zubiri, matapos na ikatuwa ang desisyun ng Korte Suprema na pagtibayin ang idineklarang martial law ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Mindanao.
Ayon kay Zubiri, ngayong kinatigan na ng Korte Suprema ang batas militar, dapat nang tumutok ang pamahalaan sa paglilinis sa mga terorista at armadong grupong banta sa seguridad sa Mindanao.
Dagdag ng senador, dapat na ring pagtuunan ng pansin ang pagbuo ng rehabilitation plan para maibalik na sa normal ang sitwasyon sa mga apektadong lugar lalo na sa Marawi City.
By Krista De Dios | With Report from Bert Mozo / Cely Bueno