Hinimok ang International Federation of Journalists o IFJ ang Duterte Administration na itaguyod ang kalayaan sa pamamahayag at tiyakin ang kaligtasan ng mga mamamahayag sa Pilipinas.
Ang panawagan ay ginawa ng Brussels-based organization kasunod ng kanilang taunang pagpupulong na ginanap sa Tunis.
Nagpahayag din ng pagkabahala ang IFJ sa ginawang pag-aresto ng pambansang pulisya sa journalist na si Margarita Valle na kalauna’y natuklasan na ito’y mistaken identity.
Magugunitang nagpaliwanag ang PNP na kahawig ni Valle ang isang suspek sa iba’t ibang krimen sa Misamis Occidental.
Dagdag naman ng grupo, magsa-sampung taon na mula nang maganap ang Ampatuan Massacre ngunit wala pa ring nahahatulang akusado sa malagim na krimen.