Negatibo ang reaksyon ng Malakanyang hinggil sa iginawad na award kay Pangulong Rodrigo Duterte ng isang non – profit organization mula sa Estados Unidos.
Itinanghal na ‘Person of the Year’ ngayong taong 2017 si Pangulong Duterte ng Organized Crime and Corruption Reporting Project o OCCRP.
Ayon kay Drew Sullivan na editor ng OCCRP at isa sa mga huradong pumili din sa Pangulo bilang Person of the Year, hindi isang ordinaryong korap na pinuno si Pangulong Duterte dahil sa pagbibigay umano nito ng pagkakataon na mas lalong makapasok ang korapsyon sa bansa sa pamamagitan ng pamamamayagpag ng pananakot.
Kaya’t itinuturing ng Palasyo na isang pangungutya ang naturang award ng organisasyon.
Ayon kay Presidential Communication Operations Office (PCOO) Secretary martin Andanar, hindi totoo ang award na ito bagkus ay kabaliktaran ito sa ginagawang paglaban sa korapsyon ng administrasyong Duterte.
Bukod pa dito ang pagsawata sa isa pang problema ng bansa na iligal na droga na nagdudulot ng krimen.
Magugunitang noong nakaraang taon ay pumangalawa si Pangulong Duterte sa kaparehong award at nanguna naman si Venezuelan President Nicolas Maduro.