Tinawag ng isang maritime law expert na ‘propaganda’ ng China ang inilabas na partnership song ng Chinese Embassy na kinanta ni Filipina “jukebox queen” at Camarines Sur Vice-Governor Imelda Papin at iba pang singers.
Ang pahayag ay ginawa ni Prof. Jay Batongbacal, direktor ng UP Institute for Maritime Affairs and Law of the Sea, matapos makatanggap ng mahigit isang daang libong dislikes sa YouTube ang naturang awitin.
Una nang idinepensa ni Papin na ang ‘Iisang Dagat’ na sinulat ni Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian ay ginawa para sa pagkakaisa at pagtutulungan ng dalawang bansa.
Ngunit para kay Batongbacal, ‘propaganda’ lamang ng China ang music video para pahupain ang galit ng mga Pinoy makaraag maghain ng diplomatic protests ang gobyerno laban sa patuloy na mga aktibidad nito sa West Philippine Sea.
Giit pa Batongbacal, tila sinasamantala ng China ang pagiging abala ng ilang bansa laban sa COVID-19 CRISIS para palawakin at kontrolin ang pinag-aagawang teritoryo.