Inalala ng mga kaanak ng mga biktima ng Maguindanao Massacre ang insidente, halos isang linggo bago ang ikasampung (10TH) anibersaryo nito.
Kasama ang National Union of Journalist of the Philippines (NUJP), dinalaw ng mga kaanak ng mga Maguindanao massacre victims ang lugar na pinangyarihan ng karumaldumal na krimen at nag-alay ng misa.
Kasabay nito, muli ring nanawagan ng hustisya ang mga kaanak ng mga biktima.
Inaasahang magdedesisyon na ang Quezon City regional trial court sa kasong multiple murder laban sa mahigit 100 akusado sa krimen na kinabibilangan ng 15 miyembro ng pamilya Ampatuan bago o mismong sa Disyembre 20.
Ito ay matapos namang pagbigyan ng Korte Suprema ang kahilingan ni Q.C. Regional Trial Court Judge Jocelyn Solis-Reyes na 30 day extension sa kaso.
Nobyembre 23, 2009 nang paslangin at ilibing gamit ang backhoe ang nasa 58 biktima na kinabibilangan ng 32 miyembro ng media, at asawa, kapatid, at ilang taga-suporta ni Congressman Esmael Toto Mangudadatu sa Ampatuan Maguindanao.