Isa na namang empleyado ng House of Representatives ang nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) —ito na ang ika-12 na kaso ng virus sa Kamara.
Ito ang inianunsyo ni House Secretary General Jose Luis Montales, kung saan nagmula umano ang naturang empleyado sa Internal Audit Department ng Kongreso.
Ayon kay Montales, ang panibagong kaso na ito ay na-expose sa nauna nang nagpositibong empleyado rin ng Kamara na inianunsyo naman noong unang araw ng Hulyo na nagmula sa kaparehong departamento.
Asymptomatic aniya, o hindi nagpapakita ng sintomas ng COVID-19 ang naturang pasyente ng virus.
Kasunod nito, sinabi ni Montales na kanilang inoobserba ang protocols sa pagha-handle ng kanilang mga empleyadong nagpopositibo sa COVID-19, pati na ang mga malapit na kaanak ng mga ito.
Magugunitang simula pa lamang ng Hulyo ay nakapagtala na ng tatlong bagong kaso ng COVID-19 ang House of the Representatives, habang nakapagtala na rin ng isang nasawi noong Marso dahil sa virus.