Ipinagdiriwang ngayong araw ang ika-124 National Flag Day o ang unang araw ng pagsasapubliko ng bandila ng bansa sa Imus, Cavite.
Pinangunahan ng Philippine Navy ang flag-raising ceremony sa bantayog ng pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal sa Luneta Park.
Mayroon ding naka-display na mga bandila ng bansa sa kahabaan ng Roxas Boulevard sa simula Lungsod ng Parañaque, Pasay hanggang sa Maynila.
Maliban dito, nagsagawa rin ng simultaneous flag ceremony sa pangunguna ng National Historical Commission of the Philippines at Imus, Cavite LGU sa Dambana ng Pambansang Watawat ng Pilipinas at Imus Heritage Park.
Matatandaang May 28, 1898 nang ipinakita ang Philippine flag sa bayan ng Imus ng pwersa ng Philippine Revolutionary Army matapos nilang talunin ang mga Espanyol sa Battle of Alapan.
Dahil dito, idineklara na bilang National Flag Day ang May 28 batay na rin sa Proclamation No. 374 na inilabas noong March 6, 1965.
Samantala, may temang “Pagtuon sa Hamon ng Panibagong Bukas” ang selebrasyon ng National Flag Day ngayong araw.