Naitala ng Philippine National Police (PNP) ang all time low na bilang ng mga aktibong kaso ng COVID-19 sa kanilang hanay ngayong taon.
Batay sa datos ng PNP Health Service, nakapagtala sila ng 261 na mga aktibong kaso mula sa kabuoang bilang na 42,047 matapos itong madagdagan ng 9 nitong nakalipas na araw.
Patuloy namang nadadagdagan ang bilang ng mga gumaling sa 29 kaya’t pumalo na sa 41,661 ang total recoveries sa hanay ng Pambansang Pulisya.
Samantala, Ipinaabot naman ni PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar ang kanyang pakikidalamhati sa pamilya ng ika-125 nilang tauhan na namatay dahil sa COVID-19.
Kinilala ito bilang isang 54 na taong gulang na senior officer na naka-assign sa Bicol na nag-positibo sa virus noong Nobyembre 1 at pumanaw noong Nobyembre 8 sa ospital. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)