Binigyang parangal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga buhay na bayani ng Marawi siege, may 3 taon na ang nakalilipas mula nang ideklara itong malaya mula sa mga terrorista.
Sa simpleng programa na isinagawa kagabi sa AFP Lapu-Lapu Grandstand sa Kampo Aguinaldo, ginawaran ng Presidential Medal Order of Lapu-Lapu na may rangkong kamagi si B/Gen. Fabian Pedregosa gayundin si Col. Randy Pascua.
Iginagawad ang nasabing parangal mula mismo sa pangulo ng bansa dahil sa pagtupad ng mga ito sa adbokasiya ng punong ehekutibo na dalhin ang bansa tungo sa kapayapaan.
Ginawaran din ng distiguished conduct star sina Col. Jose Jesus Luntok, Capt. Arnel Lozada, 2/Lt. George Francisco At S/Sgt. Roland Saludes dahil sa ipinakita nilang tapang at kabayanihan sa kasagsagan ng bakbakan.
Tumanggap naman ng AFP chief of staff commendation medal at ribbon sina M/Gen. Generoso Ponio, B/Gen. Romeo Brawner, Col. Pompeyo Almagro, Col. Antonio Rota Jr, Lt/Col. Jason Jumawan, Maj. Christopher Noa Torres, Capt. Jennylyn Tamacay at Cpl. Eric Collado dahil sa kanilang natatanging ambag upang malansag ang puwersa ng ISIS inspired Maute terrorist group na kumubkob sa Marawi City sa loob ng 5 buwan nuong 2017.
Maliban sa mga nabanggit, ginawaran din ng Order of Lapu-Lapu na may rangkong magalong ang sibilyang si Dr. Isabel Conjuangco – Suntay dahil sa bukas palad na pagbibigay ng kaniyang sarili para sa paglilingkod sa kasagsagan ng Marawi siege.