Lalo pang mapalalakas ng Pamahalaang Lungsod ng Taguig ang kanilang kampaniya para mabakunahan kontra COVID 19 ang lahat ng mga residente sa kanilang nasasakupan.
Ito’y makaraang buksan ng Lokal na Pamahalaan nitong Huwebes Santo, April 1,2021 ang ika-3 vaccination site at unang community vaccination center na matatagpuan sa RP Cruz Elementary School sa Brgy. New Lower Bicutan.
Ayon kay Taguig City Mayor Lino Cayetano, makatutulong ang bagong vaccination hub sa 2 pang Mega Vaccination centers na nasa Lakeshore at Vista Mall Parking Building sa Brgy. Calzada.
Halos 1,000 Senior Citizen at Persons with Disabilities na mayruong comorbidity ang mapagsisilbihan ng bagong bukas na community quarantine center gayundin ang may 260 pang indibiduwal sa nasabing Barangay.
“Our target here is not only speed but safety, efficiency and accessibility. Our mega vaccine hubs and our community vaccine centers will help us hit our objectives. This will open the opportunity for more citizens to get vaccinated,” wika ni Mayor Lino Cayetano
Sa kasalukuyan, nasa 98% na ng mga Medical Frontliners ng Lungsod ang nabakunahan na gamit ang alokasyon nito ng Astrazeneca at Sinovac na handog ng Pamahalaan.
Dagdag pa ng Alkalde, inihahanda na rin ang kanilang portfolio para maisama sa mga gagamiting bakuna ang mula sa Novovax, IP Biotech, Moderna at karagdagang suplay naman mula sa Astrazeneca.