Inilipat na sa isang referral hospital ang pang-5 kumpirmadong pasyente at kauna-unahang kaso ng local transmission ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.
Ayon kay Health Assistant Secretary Maria Rosario Vergeire, inilipat sa ibang ospital ang 62-year-old na lalaking pasyente na taga Cainta, Rizal para sumailalim sa isang medical procedure.
Paliwanag ni Vergeire, hindi maaaring gawin sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ang nabanggit na procedure kaya kinailangan itong ilipat.
Kasalukuyan naman aniya itong nasa stable na kondisyon.
Una nang sinabi ng Department of Health (DOH) na maliban sa COVID-19, nakararanas din ng pneumonia, diabetes, hypertension, at acute kidney failure ang nabanggit na pasyente.
Samantala, isinailalim na rin sa quarantine sa kanilang tahanan sa Cainta ang apat na anak ng mag-asawa na siyang ika-5 at ika-6 na kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.