Tiwala ang Department of National Defense na itutuloy ng susunod na administrasyon ang mga nasimulang hakbang tungo sa kapayapaan ng administrasyong Duterte.
Ito ang inihayag ni Defense Sec. Delfin Lorenzana kasabay ng ika-53 anibersaryo ng pagkakatatag ng New People’s Army (NPA) bukas, Marso a-29.
Ayon kay Lorenzana, dapat magsilbing paalala sa lahat ng Pilipino na ang pagkakatatag ng NPA ay hindi tagumpay kungdi simula ng paghihirap ng mga Pilipino dahil sa paglulunsad ng armadong pakikibaka.
Ang huwad na mga adhikain ng NPA aniya ang siyang nagdala ng mga Pilipino na lumaban sa Pamahalaan sa pamamagitan ng dahas na ikinalagas ng maraming buhay.
Libu-Libong miyembro na aniya ng NPA ang nagbalik loob sa tulong ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP).
Kasunod nito, hinimok ni Lorenzana ang mga nalalabi pang miyembro ng komunistang grupo na sumuko na upang makapamuhay ng malaya sa isang sibilisadong lipunan.