Ginunita ng mga Taclobanon sa Leyte ang ika-pitong anibersaryo ng pananalasa ng Super Bagyong Yolanda na itinuturing na pinakamalakas na bagyo sa kasaysayan.
Isang misa ang ini-alay kaninang umaga sa Holy Cross Memorial Gardens kung saan nakalibing ang libu-libong nasawi na ang karamihan ay hindi na natukoy ang pagkakakilanlan.
Kahapon, isang misa rin ang ini-alay sa Barangay Anibong na isa sa mga lugar na winalis ng rumaragasang daluyong dala ng bagyo na nagresulta sa pagsampa ng isang barko sa dalampasigan.
Ayon kay Tacloban City Mayor Alfred Romualdez, magsisilbing paalala ang sumadsad na barko sa libu-libong nalagas na buhay sa buong lungsod mula nang sumalanta ang malabangungot na kalamidad.
Sa araw na ito nuong taong 2013, sinalanta ng Super Bagyong Yolanda ang mga lalawigan ng Samar, Leyte MIMAROPA at Central Visayas taglay ang pinakamalakas na hanging aabot sa 235 kilometro bawat oras at may pagbugsong aabot sa 275 kilometro bawat oras.